Monday, January 16, 2012

ANO BA MAPAPALA KO SA IMPEACHMENT?

Aba'y magandang tanong iyan. Ano ang sa palagay ninyo? Ngayong araw na ito, ang Sambayanang Pilipino ay sumaksi sa kasaysayang di pangkaraniwan - ang paglilitis kauganay sa mga reklamo laban sa Punong Mahistrado ng Kataastaasang Hukuman sa Pilipinas.Bago pa man maganap ang pagbubukas ng paglilitis, maaanghang na mga pananalita ang namutawi sa mga bibig ng mga kinauukulan, laban sa isa't isa. Alam naman natin na hindi laban ng "boxing" ang nagaganap na ito. Walang Round 1 at walang Round 2. Ngunit ito ang ipinapalagay sa madla, na tuloy para bang ginagawang laro ang mga nangyayari sa ating bansa. Ganoon pa man, ano ba ang mapapala ko sa impeachment na ito?

Maselan ang situwasyon. Aminin natin yan. Kung ano mang ang kahihinatnan ng mga pangyayari sa bawat araw na lumilipas, tanging Poong Maykapal lamang ang nakakaalam. Inaasahan na matapos ang lahat ng ito, manunumbalik sa dating gawi ang mga Pilipino. Hinaharap pa rin natin ang katiwalian sa mga sangay ng pamahalaan, maruming pulitika, kawalan ng disiplina, atbp.

NGUNIT, kailangan na ilapat ang karampatang katarungan - mapawalan man ng sala o hindi ang nililitis. Ano man ang maging kapasiyahan, kailangan na maipaliwanag sa taong bayan ng maayos at ipakita na ito ay matibay na itinataguyod ng ebidensiya.

 Sa pagkakamali ng pagpapasiya, tayong lahat ay maapektuhan. Ganoon din ang ating bansa. Kung kaya't ating ipanalangin ang paglilitis na nangyayari at ang lahat ng kalahok dito.