Sa nagaganap na Impeachment Trial, marami ang nagtatanong – ano ba ang magiging katapusan ng lahat ng mga ito?
Iba’t iba ang kasagutan - ayon sa inaasam na katapusan o ayon sa maaaring maging kapasiyahan ng Impeachment Court . May mga iba naman na umaasang mapapatunayan ng tagausig na ang Punong Mahistrado ay nagkasala ayon sa mga nakalahad ng mga paratang sa Articles of Impeachment. Para sa iba, inaasahan na siya ay mapapawalang sala at mananatili sa Kataastaasang Hukuman hanggang sa kaniyang pagreretiro.
Sa itinatakbo ng Impeachment Trial, walang makakapagsabi – at hindi dapat na pangunahan – kung ano ang magiging kapasiyahan ng Impeachment Court . Bagama’t mayroong karapatan na mag-isip patungkol dito o di kaya’y pangpersonal o pribado na pagusapan ang mga nagaganap sa trial, ito ay hindi maaaring ilathala na wari’y pinangungunahan ang Impeachment Court sa magiging kapasiyahan nito.
Pangsamantala, ating tunghayan ang mga nagiging kaganapan at tulas sa araw na ito, ating nasaksihan ang paglalahad ng mga dokumento na nanggaling sa Bureau of Internal Revenue o BIR. Naging mawsalimuot na naman ang mga debate na magkabilang panig hanggang sa muling napagsabihan ni Senator-Judge Santiago na inhinto na ang mga talumpati sa nasabiing hukuman.
Para sa tagausig, ang kinikita ng nasasakdal ay hindi sapat upang makabili ng mga ari-arian na lubhang mamahalin. Ganoon din ang mga miyembro ng kanilang pamilya. Kahit pa nasa pangalan ng iba’t ibang tao, kung hindi naman sapat ang kinikita, paano na nga magkakaroon ng mga ari-arian.. Ayon sa depensa, maghintay na lamang sa kanilang ilalahad na paliwanag at ebidensiya. Ibig sabihin pasisinungalingan ng depensa ang mga inilahad ng tagausig.
Marami ang sumasangayon sa mga puntos ni Senator-Judge Santiago, at ganoon din ni Senator-Presiding Judge Enrile. Saksi ang madla sa mga nangyayari, at kinakailangan na isiguro ng Hukuman na hindi magkaroon ng agam-agam ang mga tao ukol sa mga nagaganap sa Impeachment Trial. Hindi nararapat na kitlin ang paglalahad ng mga inaakalang ebidensiya, ngunit hindi rin dapat ipa-isang tabi ang karapatan ng nasasakdal. Ang mahalaga ay tigilan ang mga teknikalidad sa paglilitis, ilahad ang katotohanan at iwasan ang mga pagkakataon na makakapagpatagal sa proseso o Impeachment Trial.
Ika nga, “at the end of the day” ano ba ang totoo? Ano ba ang mga inaakalang magpapatunay sa mga paratang na nakahanay sa Articles of Impeachment? Ano ba ang makatarungan? Mayroon bang paglabag sa batas ang nasasakdal?
Ang lahat ng ito ay pansariling masasagot lamang sa sandali na nakapaglahad na ang tagausig at ganoon din ang depensa, ng kani-kanilang mga ebidensiya.